CAUAYAN CITY – Ikinukunsidera ng mga otoridad sa Sydney, Australia ang insidente ng pananaksak sa nasabing lugar na isang terrorist act at sanhi ng religious extremism.
Matatandaang inaresto ang isang binatilyo matapos nitong pagsasaksakin ang isang bishop at tatlong iba pa habang kasalukuyan ang misa sa isang simbahan sa Sydney.
Ang suspek sa pananaksak ay isang 15-anyos na lalaki habang ang biktima ay si Bishop Mar Mari Emmanuel at tatlong iba pa kabilang ang isang pari.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Denmark Suede kasalukuyan ang misa ng Christ the Good Shepherd Church sa Wakeley at live din ito sa social media.
Habang kasalukuyan ang homiliya ni Bishop Mar Mari Emmanuel ay sumugod ang suspek.
Matapos nito ay ipinagpatuloy ng suspek ang pagsugod sa mga nasa harap ng simbahan at nasaksak din ang isang pari at dalawang iba pa.
Agad namang nasukol ang suspek ngunit nahirapang pakalmahin ng mga otoridad ang mga dumalo sa misa na nais maghiganti sa ginawa ng suspek na nagdulot ng riot.
Aabot sa 290,000 ang viewers ng simbahan sa livestream nito sa iba’t ibang social media platform nang mangyari ang pananaksak.
Ayon sa pulisya hindi regular na dumadalo ng misa ang suspek at malayo rin ang lugar kung saan siya nakatira kaya itinuturing itong terrorist act at extremism.
Una na ring inihayag ng bishop na nakakatanggap siya ng pagbabanta sa kanyang buhay.
Sa ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan ang bishop at tatlong iba pa at nakalockdown sa ospital upang matiyak ang kanilang kaligtasan.