CAUAYAN CITY – Isang Ginang ang nagbalik ng libu-libong pera na naiwan ng mga biyahero sa Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Julieta Ramos, nagbalik ng pera, sinabi niya na may kumain sa isang karinderya at naiwan ang isang bag na naglalaman ng P21,000 na halaga ng pera.
Nang makita niyang naiwan ang bag ay papaalis na ang sasakyan ng mga nakaiwan na agad niyang tinawag ngunit hindi siya narinig.
Dahil hindi na niya naabutan ang may-ari ay itinawag na lamang niya sa kakilala niyang pulis upang kunin ang nasabing bag dahil wala rin naman silang sasakyan na gagamitin para mahabol sana ang may-ari.
Aniya, hindi niya naisip na kunin na lamang ang bag at huwag nang isauli dahil alam din niya ang hirap kumita ng pera ngayon at hindi rin niya ito pinaghirapan.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagbalik siya ng kanyang napulot na malaking halaga ng pera dahil nakapulot din siya noon ng P6,000 na pera na kanya ring ibinalik.
Agad din namang naibalik sa may-ari ang pera at laking pasasalamat nila kay Ramos.
Pinaalalahanan naman ni Ramos ang publiko na kung may mga napupulot na pag-aari ng iba ay huwag angkinin at ibalik ito dahil maaring napakalaking kawalan ito sa kanila.
Aniya, mas malaking biyaya ang ibibigay ng Diyos kung gagawa ng kabutihan sa kapwa.