--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ni Barangay Kapitan June Mainit ng San Carlos, Echague, Isabela ang alegasyon ng umanoy pambubugbog nito sa isang lalaki.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan ay binigyang linaw ni Kapitan Mainit na isang beses lamang niyang nasuntok ang lalaking nagrereklamo sa kanilang Barangay.

Nag-ugat ang insidente matapos magtungo sa Barangay hall ang isang lalaking residente ng Santiago City para ireklamo ang umano’y napitpit nitong motorsiklo.

Dahil sa reklamo nito ay nagbigay ng summon ang Barangay kung saan dapat ay humarap ang nagrereklamo ngunit sa halip aniya na ang nagrereklamo lamang ang dumalo ay may isinama itong dalawang iba pa na umano’y kanyang mga kamag-anak.

--Ads--

Maayos naman umano niyang ipinakiusap na lumabas muna ang mga hindi kasama sa summon subalit tila hindi maganda ang pagkakaintindi ng kamag-anak ng nagrereklamo at nagsimulang bastusin silang mga opisyal ng Barangay sa loob mismo ng Barangay hall.

Dinuro-duro umano siya ng isa sa mga kamag-anak nito na nagpapakita ng kawalan ng respeto para sa kaniya bilang Kapitan ng Barangay, dahil dito ay nasuntok niya ito sa tagiliran.

Aniya, bagamat nauna na silang nakapag-usap ay may nanunuhol umano para ituloy nito ang kasong administratibo laban sa kaniya.

Samantala, una na ring pinabulaanan ng Liga ng mga Barangay ang naturang usapin na umano’y nahaluan lamang ng pamumulitika.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Liga ng mga Barangay Vice President Dante Halaman sinabi niya na maging siya ay nakausap na rin si Barangay Kapitan Mainit at nabigyang linaw na ang insidente.

Batay sa kanilang pakikipag ugnayan sa Barangay kung saan nakatira ang mga sangkot ay nalamang may kaunti ring problema ang mga ito sa kani-kanilang mga barangay.

Idinagdag pa niya na unang humingi ng P24,000 na danyos ang lalaking nasuntok ni Kapitan Mainit at nagkusang loob naman si Kapitan Mainit na magbigay ng P10,000 kahit  wala namang naganap na pambubugbog.

Napag-alaman din na ang naturang usapin ay nahaluan ng pamumulitika dahil natuksalan na ang taong nasa likod sa pagtulong sa mga nagrereklamo ay ang natalong kapitan ng Barangay San Carlos na kasalukuyang consultant.

Sa katunayan aniya hindi ito ang unang beses na magkaroon ng hidwaan sa Barangay San Carlos dahil sa pulitika na makailang ulit na rin nilang sinubukang ayusin subalit dahil hindi naman nakikipagtulungan ang natalong Kapitan ay hindi ito naaayos.

Bukas naman ang himpilan ng Bombo Radyo Cauayan para sa kabilang panig para mabigyan sila ng pagkakataon na ihayag ang kanilang saloobin sa nasabing usapin.