--Ads--

CAUAYAN CITY – Handang-handa na ang pamahalaang lunsod ng Ilagan sa Cagayan Valley Regional Athletic AssociatioN (CAVRAA) 2024 na magsisimula ngayong araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Paul Bacungan ng Pamahalaang lunsod ng Ilagan na kahapon ay muling nagpulong ang mga opisyal ng lunsod para pag-usapan ang kanilang paghahanda sa CAVRAA 2024 na magsisimula na ngayong araw, April 26 at magtatagal hanggang April 30, 2024.

Aniya, ang opening program ay alas-4 mamayang hapon at magkakaroon ng parada mula sa Rizal Park hanggang sa City of Ilagan Sports Complex kung saan gaganapin ang opening program.

Ang guest speaker aniya ay si Sen. Mark Villar.

--Ads--

Inaasahan naman nila ang nasa isang libong deligado at libu-libong tao na dadalo para manood dahil may mga celebrities din na magtatanghal tulad ng sponge cola at pagkatapos ay may fireworks display.

Sa ngayon ay dumating na ang lahat ng team at atleta sa lunsod ng Ilagan.

Tiniyak din ng pamahalaang lunsod na lahat ng venue ay handang-handa na para sa lahat ng sporting events sa CAVRAA 2024.

Gayundin ang seguridad at tulung-tulong ang lahat para maging matagumpay at maayos ang CAVRAA 2024.

Magiging katuwang naman nila ang augmentation mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) at mga sundalo na mula sa 5th Infantry Division, Philippine Army.

Ayon kay Information Officer Bacungan, ang mga laro ay magsisimula ng alas-5 hanggang alas-8 ng umaga at sa hapon naman ay mula alas-5 hanggang alas-8 ng gabi para maiwasan ang init ng panahon lalo na ang heat index habang ang mga indoor games ay tuluy-tuloy pa rin.

Umaasa naman sila na aangat ang lunsod ng Ilagan ngayong CAVRAA 2024.

Inaanyayahan din nila ang lahat na suportahan ang CAVRAA meet 2024.

Tinig ni Information Officer Paul Bacungan.