--Ads--

CAUAYAN CITY – Pupulungin ni Mayor Adrian Leandro Tio ng Luna, Isabela ang mga elected officials matapos ang pagkakaaresto ng isa sa kanilang konsehal dahil sa pagbebenta umano ng baril.

Matatandaang naaresto sa isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Isabela si Sangguniang Bayan member Bayani Agustin at nakumpiska sa kanya ang ilang baril at bala na wala umanong dokumento.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Tio na nagulat at nalungkot siya sa pangyayari gayunman ay hindi niya tinotolerate ang mga ganitong gawain.

Kinokondena aniya ng pamahalaang bayan ng Luna ang ganitong gawain na paglabag sa batas.

--Ads--

Nakausap na rin niya si SB member Agustin at hinihintay pa nila ang pinal na desisyon ng korte.

Sumasailalim na rin siya sa inquest procedure at balable naman ang kanyang kaso.

Ayon kay Mayor Tio, gusto niyang pulungin ang mga elected officials at ang mga nagtatrabaho sa LGU Luna para paalalahanan na kapag pumasok sila sa ganitong gawain ay hindi niya itotolerate at ipapatupad nila kung ano ang batas.

Ipapasilip din niya sa pulisya ang lahat ng mga may licensed firearms para hindi na maulit ang ganitong pangyayari.

Binigyang diin nito na hindi niya hahayaan na lumaganap ang kriminalidad sa kanilang bayan kaya babala niya sa kanyang mga kababayan na huwag nang balaking pasukin ang masamang gawain para hindi sila maparusahan.