CAUAYAN CITY – Nakahandang magsampa ng kaso sa pagkasunog ng mahigit apat na raang ektarya na bahagi ng National Greening program sa Isabela.
Pagsusunog sa mga sakahan ang tinitignang dahilan kung bakit natupok ng apoy ang daan-daang hektarya ng kagubatan na bahagi ng National Greening Program ng Pamahalaan sa Carmencita, Delfin Albano, Isabela noong ikadalawamput dalawa ng Abril.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan, ng Department of Environment and National Resources Region 2 sinabi niya na marami ang sakahan na malapit sa National Greening Program at hindi maiiwasan na magsunog ng mga dayami ang mga magsasaka bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa susunod na cropping season.
Aniya, hindi pa naman ito ang opisyal na resulta ng pagsisiyasat ngunit ito ang tinitignan nilang dahilan.
Batay aniya sa kanilang monitoring ay umabot sa 485 na ektarya ang national greening program na natupok ng apoy kung saan umabot 10,788,000 pesos ang halaga ng napinsala.
Bumuo naman na aniya sila ng rehabilitation plan dahil kailangan nilang I-maintain ang naturang programa ngunit sa ngayon ay wala na silang maintenance and protection budget kaya’t makikipag-ugnayan sila sa mga volunteers at people’s organization upang ma-rehabilitate ang napinsalang bahagi ng National Greening Program.
Aniya, kailangan na rin nila ng mga fire brigade team at mga fire preventive measures gaya ng regionwide training on forest fire prevention upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Lahat aniya ng plantations ngayon ay mayroon nang firelines upang ma kontrol ang pagkalat ng apoy.
Ayon kay Regional Director Bambalan, ang naturang National Greening Program ay sinumulan noong taong 2011 na layuning i-develop ang mga kagubatan.
Tinataya namang nasa 1.5 milyong ektarya ang cover ng naturang programa at nasa isang bilyong seedlings naman ang itinanim dito.
Nasa mahigit isandaang libong ektraya naman na ng national greening program ang na-establish sa Rehiyon dos kung saan ang nasunog na bahagi nito sa Delfin Albano, Isabela ay itinatag noong 2014, 2016 at 2017.
Pinaalalahanan naman niya ang mga local communities na malapit sa National Greening Projects na iwasan ang pagsusunog o pagsisindi ng sigarilyo na itinatapon lamang sa kung saan.
Nanawagan din siya sa publiko na suportahan ang mga programa ng DENR lalo na ngayon at tumataas ang temperatura na nararanasa ngayon sa bansa.