--Ads--

CAUAYAN CITY– Patuloy na pinag-aaralan ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdedeklara ng State of calamity sa Isabela dahil sa pinsala na dulot El Niño sa sektor ng agrikultura.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Board Member Philip Baysac, Chairperson ng Committee on Agriculture sinabi niya na marami ng mga magsasaka ang apektado dahil sa epekto El Niño Phenomenon.

Aniya, hindi pa matukoy sa ngayon ang kabuuang lawak at halaga ng pinsala dahil nagpapatuloy pa ang data gathering ng Provincial Agriculturist upang matukoy ang mga apektadong lugar ngunit tiniyak nito na malaki na ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Magkakaroon naman aniya sila ng pagpupulong kasama ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela upang pag-usapan ang posibleng pagdedeklara ng State of calamity sa lalawigan.

--Ads--

Pag-uusapan din sa nasabing pagpupulong ang mga dapat gawin upang ma-mitigate ang epekto ng El Niño na tinatayang magtatagal pa hanggang Hulyo.

Ayon kay BM Baysac, karamihan sa mga magsasaka na nauna nang nagtanim ay umaasa na lamang sa ulan.

Malaking problema aniya ngayon ang patubig dahil hindi sapat ang mga tubig sa mga sapa dahil sa kakulangan ng pag-ulan.

Sa unang araw pa aniya ng Hunyo magpapakawala ng tubig ang NIA-MARIIS ngunit hindi naman nila matiyak kung sasapat ba ito upang mapatubigan ang lahat ng mga sakahan.