CAUAYAN CITY – Saludo ang Committee on Education ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan sa magandang performance ng mga atleta ng Cauayan City sa katatapos ng Cagayan Valley Regional Athletics Association o CaVRAA Meet 2024.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Garry Galutera, pinuno ng Committee on Education ng City Council, pinasalamatan niya ang mga delagado ng lunsod na nagpakita ng angking galing sa sports at nakapag-uwi ng medalya sa katatapos na CaVRAA Meet 2024.
Tiniyak naman niya ang insentibong matatanggap ng mga atletang nag-uwi ng medalya bagamat hindi pa niya matiyak kung pareho ang halagang maibibigay noong nakaraang taon.
Aniya maaring may dagdag na insentibo dahil sa magandang performance ng mga manlalaro ng Cauayan City.
Nanguna ang Volleyball Team ng Cauayan City sa CaVRAA Meet 2024 at sila ang magiging pambato ng rehiyon sa Palarong Pambansa.
Inaasahan na ang pagsisimula muli ng ensayo ng mga manlalaro para naman sa kanilang paghahanda sa Palarong Pambansa.
Pinasalamatan naman niya ang buong Schools Division Office ng Cauayan City pangunahin na ang mga manlalaro at coaches sa ibinigay nilang karangalan para sa lunsod ng Cauayan.











