CAUAYAN CITY- Hindi makapaniwala ang Rank 1 sa katatapos na Registered Master Electrician Licensure Examination na siya ang nanguna sa nasabing pagsusulit.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mariclaire Baingan Larugal, Rank 1 sa katatapos na Registered Master Electrician Licensure Examination, sinabi niya na kinakabahan siya noong kumuha siya ng pagsusulit at hindi siya sigurado sa magiging resulta ng exam kaya hindi siya lubos makapaniwala na napabilang siya sa topnotchers.
Aniya, ang mga kapatid niya ang unang nakakita na nakapasa siya sa Board Exam ngunit hindi pa nila alam na siya ang nanguna.
Nalaman lamang niya na siya ang Number 1 nang batiin siya ng kaniyang Coach sa kanilang group chat kaya labis ang kaniyang tuwa at pasasalamat.
Aminado si Engr. Lutao na hindi naging madali ang kaniyang paghahanda sa pagsusulit dahil kailangan niyang tutukan ng maigi ang kaniyang pagre-review.
Ngunit nang makita niya ang mga katanugan sa pagsusulit ay medyo nabawasan ang kaniyang kaba dahil nare-recall niya ang mga tanong mula sa materials na kaniyang ginamit sa pagre-review.
Malaking bagay naman aniya ang impluwensya ng mga taong nakapaligid sa kaniya dahil sila ang nagtulak sa kaniya na magsipag sa pag-aaral.
Wala naman aniya siyang nakuha na recognition noong nagtapos siya sa kolehiyo ngunit nagtapos siya ng With High Honor noong High School.
Malaking bahagi din ng kaniyang tagumpay ang Isabela State University – Ilagan Campus kung saan siya nagtapos ng kursong Bachelor of Electrical Engineer dahil doon nahubog ang kaniyang kakayahan.
Iniaalay naman niya ang kaniyang tagumpay sa Panginoon na siyang nagbigay ng lakas sa kaniya upang makamit ang tagumpay na ito at sa kaniyang mga magulang na walang sawang sumusuporta sa kaniya.