CAUAYAN CITY – Inihayag ng National Economic and Development Authority o NEDA Region 2 na nagpapatuloy ang isinasagawang detailed engineering design sa P67.4-billion Dalton Pass East Alignment Road Project.
Ang nasabing proyekto ng Department of Public Works and Highways o DPWH at Japan International Cooperation Agency o JICA ay isang 23-kilometer na alternatibong daan na magdudugtong sa Region 1 at Region 2 sa San Jose, Nueva Ecija papasok ng Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leomar Israel, Chief Economic Development Specialist ng Project Development, Investment Programming and Budget Division ng NEDA Region 2 sinabi niya na on process na ang detailed engineering design sa nasabing proyekto.
Layon ng nasabing proyekto na padaliin ang connectivity ng mga rehiyon para sa economic growth at para maiwasan ang masikip na daloy ng trapiko sa pamamagitan ng mga tunnel at railway components sa mabundok na bahagi ng Dalton Pass.
Aniya kailangan pa ng feasibility study para rito at maaring abutin pa ng dalawa hanggang tatlong taon dahil nasa initial development stage pa lamang.
Magsasalubong ang pagpapatayo ng nasabing daan na dalawang lane lamang ang uunahin at gagawing 4-lanes kapag tuluyan nang napagdugtong sa konstruksyon na inaasahang matatapos sa taong 2031.
Sakaling matapos ang proyekto ay asahan na mas mapapabilis na ang byahe maging ang pagtransport ng mga produkto at serbisyo sa rehiyon.