CAUAYAN CITY- Tuloy pa din ang biyahe ng mga unconsolidated jeepneys sa kabila ng deadline ng jeepney consolidation noong huling araw ng Abril.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mody Floranda, Chairman ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), sinabi niya na hindi naman agad matatanggalan ng prangkisa ang mga jeepney drivers at operators na hindi pa nakapag-consolidate bagkus ay padadalhan lamang sila ng summon at hihingan ng paliwanag kung bakit bigong makapag-comply sa PUV modernization program.
Aniya, nakasaad sa Executive Order 2023-22 na hangga’t walang pang inilalabas na route rationalization ay hindi pa maaaring tanggalin ang mga jeepney sa kalsada.
Hindi naman sila nangangamba na baka tanggalan sila ng prangkisa dahil wala aniyang karapatan ang LTFRB dahil tanging ang kongreso at senado lamang ang may karapatang bumawi sa mg prangkisang ipinagkaloob sa kanila.
Sa ngayon aniya ay 75% na ang nag-comply sa naturang programa at kung mayroon mang humabol bago ang deadline ay maaari umano na nag-file lang ang ilan hindi para pumasok sa kooperatiba ngunit upang mabigyan lang ng pagkakataon na makapagpasada.
Aniya, magkakaroon pa din sila ng mga kilos protesta dahil hindi lamang sila na mga drivers at operators ang apektado sa PUV modernization program kundi pati na din ang mga commuters.
Dapat aniya na makita ng pamahalaan ang kahalagahan ng serbisyong hatid ng mga jeep sa sektor ng transpostasyon.