CAUAYAN CITY- Pabor ang isang Political Analyst sa pangtanggi ni Pangulong Marcos Jr sa paggamit ng water cannon ng Philippine Coast Guard laban sa China sa kabila ng harassment sa West Philippine Sea.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco sinabi niya na magreresulta lamang sa armed conflict ang issue sa West Philippine Sea kung sakaling gumanti ang Pilipinas sa ginagawang pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas.
Aniya normal lamang na magkaroon ng samu’t saring sentimiyento ang mga Pilipino dahil sa sunod sunod na agresyon ng China laban sa mga barko ng Pilipinas gayunman hindi aniya makakatulong para sa bansa ang mga mungkahi ng pagganti.
Sa ngayon aniya ay hindi dapat magpadala sa emosyon ang bawat isa lalo na pagdating sa usapin sa West Philippine Sea dahil ang pinakamabuting posisyon ngayon ng bansa ay ang ipagpatuloy ang resupply mission sa BRP Sierra Madre at Scarborough shoal.
Tinawag namang taktika lamang ni Atty. Yusingco ang isinapubliko ng China na 2016 Agreement dahil wala naman itong batayan at hindi nakapaloob sa International Law at International Relation na ang tanging layunin ay magpakalat ng impormasyon para paguluhin ang sitwasyon sa West Philippine Sea.