CAUAYAN CITY – Associated sa mga thunderstorm ang mga nabubuong buhawi kagaya nang namataan sa bahagi ng Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng PAGASA-DOST Echague Isabela, sinabi niya na kapag may namumuong cumulonimbus clouds ay maaring mabuo rin ang mga buhawi o ipo-ipo sa mga lugar na naapektuhan ng thunderstorm.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na maging mapagmatyag kapag may namamataang buhawi lalo na tuwing gabi dahil sa maaring idulot na panganib sa buhay at ari-arian.
Mas malakas ang hangin na dala ng buhawi kaysa sa bagyo kaya pinag-iingat niya ang publiko na agad na lumayo kapag namamataan ang pamumuo ng buhawi sa kanilang lugar.
Aniya bagamat may mga namumuong kaulapan ay hindi pa naman ito senyales ng pagtatapos ng El Niño at epekto lamang ito ng frontal system na nakakaapekto sa Eastern at Northern Luzon.
Aabot naman sa isa hanggang dalawang araw lamang ang pag-iral ng frontal system at muling lalawak ang maapektuhan ng Easterlies.