--Ads--

CAUAYAN CITY – Pormal nang nagtapos ang isinagawang Balikatan Exercises 2024 ng Pilipinas at Estados Unidos kahapon.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines, naging matagumpay ito at walang masyadong naging aberya sa mga isinagawang pagsasanay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LtCol. Rodrigo Lutao, Information Officer ng AFP Northern Luzon Command, sinabi niya na bagamat may mga kaunting aberya tulad ng isyu sa mainit na panahon ay matagumpay na naisagawa ang mga nakaschedule na training at exercises ng Balikatan.

Isinagawa naman ang closing ceremony ng annual defense exercise sa Camp Aguinaldo sa Quezon City kahapon na dinaluhan ni National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. Bilang guest speaker kasama si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson.

--Ads--

Nagsimula ang Balikatan Exercises 2024 noong ika-dalawamput dalawa ng Abril na nilahukan ng labing anim na libong service members mula sa pwersa ng Pilipinas at Estados Unidos at partner nations na Australia at France.

Ayon kay LtCol. Lutao isinagawa sa Balikatan ang ibat-ibang training scenario na nagpapalakas ng interoperability at kahandaan ng defense forces sa  external defense operations, cyber defense, counter-terrorism, humanitarian assistance at disaster response maging sa inter-agency capacity-building.

Aniya ang kaibahan sa Balikatan ngayong taon ay hindi nagpokus ang mga kalahok na bansa sa West Philippine Sea kundi pinagtuunan ng pansin ang Norte o sa bahagi ng Dagat Pasipiko pangunahin sa bahagi ng Batanes.

Maraming bansa rin aniya ang sumali na dati ay trilateral o tatlong bansa lamang ang kalahok at ngayon ay multilateral exercises nang matatawag.

Maliban dito ay nais din ng mga kalahok na bansa na magsagawa ng bilateral exercises kasama ang Pilipinas.