--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagdulot ng bahagyang pagkawala ng tustos ng kuryente sa ilang barangay ang pagbangga ng isang kotse sa poste ng kuryente sa Brgy. Sinippil, Reina Mercedes, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Charles Cariño, Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station, sinabi niya na bumangga ang isang Honda City na minamaneho ni Eric Tamang na guro sa Alicia Isabela at pauwi na sa bayan ng Tumauini nang mangyari ang insidente.

Unang nasagi ng sasakyan ang isang kolong-kolong na nakaparada sa gilid ng kalsada saka bumangga sa poste ng kuryente na nagdulot ng pagkawala ng tustos ng kuryente sa ilang lugar.

Inamin naman ng tsuper na siya ay nakatulog habang nagmamaneho at maswerteng wala siyang tinamong galos sa katawan dahil naka-seatbelt ito nang mangyari ang aksidente at pumutok din ang airbag ng sasakyan.

--Ads--

Pinaalalahanan naman niya ang mga motorista na kapag inaantok habang nagmamaneho ay mas maiging tumigil muna at magpahinga o itulog upang makaiwas sa kahalintulad na pangyayari.