--Ads--

CAUAYAN CITY – Tatlong ilaw ng tahanan na may magkakaibang propesyon ang nagbahagi ng kanilang pagsubok at tagumpay bilang isang Ina ngayong Mother’s Day.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Mallillin ang tagapagsalita ng Police Regional Office 2 sinabi niya na hindi madali na pagsabayin ang mga responsibilidad bilang isang Law Enforcer at isang ina lalo na at hindi niya hawak ang kaniyang oras sa kaniyang trabaho gayunman sinisikap niyang magkaroon ng maayos na time management para maibigay ang pangangailangan ng kaniyang mga anak.

Aniya, para mapunan ang kaniyang pagkukulang sa kaniyang Pamilya ay sinisiguro niya na kung may oras siya ay maibibigay niya ang kaniyang atensyon para sa kanila.

Noong panahon ng pandemiya ay naranasan niyang madestino sa PNPA kung saan siya ay nagsilbing instructor.

--Ads--

Ito aniya ang mga panahong siya ay labis na nangulila sa kaniyang Pamilya lalo na ng hilingin ng kaniyang anak na umalis na siya sa trabaho para maalagaan sila.

Ito ang kumurot sa kaniyang puso kaya ng maibalik siya sa Region 2 ay siniguro niyang present siya sa lahat ng school activities ng anak para mabawi ang mga oras na nawala sa kanila.

Kaugnay nito inihayag naman ni Ginang Leona Cayapan, Instructor ng Bread and Pastry ISAT-TESDA na minsan na ring sinubok ng kaniyang propesyon ang kaniyang pagiging ina.

Bilang isang instructor ay kung saan saan siya naitatalaga na nagiging malaking balakid para tuluyan niyang magampanan ang kaniyang pagiging ina.

May mga pagkakataon aniya na ipinapadala siya ng TESDA sa iba’t ibang lugar kaya ang mister niya ang madalas tumatayong ina para sa kaniyang anak.

Bilang ina isa sa kaniyang mga ginagawa para makabawi sa kaniyang anak ay pagbibigay pansin at pagbibigay rewards sa lahat ng mga achivement ng anak.

Sinisiguro din niya na mayroong quality time kung saan bukas ang komunikasyon para makausap niya ang anak.

Hindi naman naging problema para sa kaniya ang anak dahil naiintindihan nito ang kanilang sitwasyon at kung ano ang trabaho niya bilang Instructor ng TESDA.

Para sa kaniya ang pagiging Ina ay hindi lamang sa pamamagitan ng pagkakaroon ng anak dahil may adbokasiya siya sa pagtulong sa mga kabataang walang mga magulang na kaniyang kukupkupin at itinuturing na pamilya para magkaroon ng kinabukasan sa pamamagitan ng libreng skills training.

Samantala, inihayag naman ni Ginang Nieves Bangadon isang OFW sa Singapore na ang distansiya ang siyang naging pagsubok sa kaniyang katatagan bilang ina.

Aniya napakahirap para sa kaniya ang hindi masubaybayan ang paglaki ng kaniyang anak lalo na at malayo siya sa kaniyang Pamilya.

Madalas aniya na nakakausap lamang niya ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng video call.

Dahil malayo siya ay madalas na ipinapakiusap na lamang niya sa kaniyang asawa o kaanak ang pagdalo sa mga importanteng araw sa buhay nito.

Ang anak niya ay itinuturing niya bilang matalik na kaibigan para sila ay magkaroon ng komunikasyon at maipaliwanag ang kanilang sitwasyon dahil siya ay nangibang bansa para sa kanila.

May mga pagkakataon aniya na naiisip niyang umuwi na lamang dito sa Pilipinas para maging full-time mom subalit hindi aniya maaari dahil kailangan din niyang paghandaan ang kinabukasan ng kaniyang anak.

Sa mga pagkakataong ito, ang Panginoon ang kaniyang sandigan para bigyan siya ng lakas sa tuwing siya ay pinanghihinaan ng loob.

Para kay Ginang Bangadon,hindi siya perpektong ina subalit sa gabay ng Panginoon at mga taong nakapaligid sa kaniya at sa kaniyang pamilya ay nagabayan ang anak niya na talagang nagsusumikap din sa pag-aaral.