--Ads--

CAUAYAN CITY – Nailigtas ng mga otoridad ang isang mangingisda matapos na tumaob ang kanyang sinasakyang bangka sa karagatang sakop ng Dingalan, Aurora.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Ensign Jesa Pauline Villegas, Information Officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi niya na nakatanggap ng tawag ang Coast Guard Sub-station Dingalan patungkol sa paglubog ng isang bangka sa karagatang sakop ng Brgy. Dikapanikian, Dingalan, Aurora na kanilang agad na nirespondehan kasama ang DA-BFAR Dingalan Fishing Association.

Naabutan nila ang mangingisda sa layong dalawamput limang metro mula sa pampang at tuluyan nang lumubog ang kanyang bangka matapos na maputol ang katig nito.

Tinulungan naman ng mga kapwa nito mangingisda na nasa malapit lamang na bahagi ng karagatan nang mangyari ang aksidente.

--Ads--

Naging problema naman nila ang pagligtas sa mangingisda dahil ayaw nitong  iwanan ang tumaob na bangka at siya ay nagpaiwan sa lugar at nagpatawag na lamang ng mag-aahon sa kanyang bangka.

Aniya isolated incident lamang ito dahil wala namang naging abiso ang PCG kaugnay sa pagbabawal ng pagpapalaot ng nasabing araw dahil hindi naman gaanong malakas ang alon sa dagat.

Pinaalalahanan naman niya ang mga pumapalaot na mangingisda na maging mapagmatyag sa lagay ng panahon dahil sa maaring pagbabago nito habang sila ay nasa gitna ng dagat.

Tiniyak niya ang patuloy na baywatch patrol at pre-departure inspection ng PCG sa mga sasakyang pandagat na bumibiyahe sa kanilang nasasakupan upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Mayroon din aniya silang recreational safety inspection sa mga beach resorts para matiyak kung kumpleto ang mga ito sa safety equipments.