CAUAYAN CITY – Anim na bagong Pari ang inordinahan sa lalawigan ng Isabela na magiging bahagi ng Diocese of Ilagan.
Kinabibilangan ito nina Rev. Arjay Gazzingan ng Cabagan, Isabela; Rev. Charles Jake Kanoy ng Ilagan City; Rev. CJ Galano na mula sa Gamu, Isabela; Rev. Jesus Enrico Miranda ng San Mariano, Isabela; Rev. Jefferson Limon na mula sa Benito Soliven at Rev. Sherwin Sarmiento ng Alicia, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, Social Communications Director ng Diocese of Ilagan, sinabi niya na malaking bagay ang pagkaka-ordina ng mga bagong pari lalo na at mayroong kakulangan sa bilang ng mga pari sa lalawigan.
Aniya, malaking tulong ito para sa mga malalaking Parokya sa lalawigan upang magkaroon ng kahit tatlong pari upang matugunan ang pangangailangan ng mga mananampalataya sa spiritual na aspeto.
Ito naman ang unang pagkakataon na umabot sa anim ang bilang ng na-ordinahang pari nang sabay-sabay dahil kadalasan ay isa o dalawa lamang.
Nanawagan naman siya sa mga magulang na mayroong mga anak na nagnanais maging pari na bukas ang seminaryo sa lungsod ng Cauayan para sa kanila.