CAUAYAN CITY- Kulong ang isang magsasaka matapos maaktuhang nagbibiyahe ng iligal na pinutol na kahoy sa Brgy. Magsaysay, Saguday, Quirino.
Ang nahuli ay si Nardo, trenta’y tres anyos, binata, magsasaka, at residente ng Brgy. Dagupan, Aglipay, Quirino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. William Agpalza, Chief of Police ng Saguday Police Station napag-alaman na nakatanggap mismo ito ng tawag mula sa isang concerned citizen ukol sa iligal na pagbibiyahe ng kahoy ng suspek
Aniya nakasakay ang mga kahoy sa isang pick up at nagmula ang mga ito sa bayan ng Aglipay at dadalhin sana sa sentro ng Saguday.
Iba’t ibang klase at laki ang mga kahoy na pawang mga hardwood na may kabuuang 362.28 board feet at nagkakahalaga ng 18,000 pesos.
Nang tanungin umano ang driver ng sasakyan ay wala siyang maipakitang anumang dokumento na naging dahilan ng kanyang pagkaka-aresto.
Ayon sa hepe gagamitin umano sana ang mga kahoy sa paggawa ng bahay.
Pansamantala namang nakalabas ang nahuli matapos itong makapag-piyansa.