--Ads--

CAUAYAN CITY- Hindi maaaring ipagbawal ng Commission on Election ang substitution ng mga kandidato matapos ang huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy sa pamamagitan lamang ng isang resolusyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na hindi maisasakatuparan ang nais ng Comelec sa pamamagitan lamang ng Comelec Resolution.

Aniya, kung talagang gusto ng Comelec na ipagbawal ang substitution ng mga kandidato ay kinakailangan munang amyendahan ang Omnibus Election Code sa pamamagitan ng Kongreso.

Naiintindihan naman umano niya ang hangarin ng Comelec ngunit kinakailangan itong ipatupad sa maayos na paraan.

--Ads--

Pwede aniya itong kuwestiyunin sa korte suprema ngunit kung wala naman aniyang magrereklamo na politiko ay maaari umano itong ipatupad dahil hindi naman aniya kikilos ang korte suprema kung wala itong reklamo na matatanggap.

Ngunit hindi na aniya siya magugulat kung may magreklamo lalo na at  ginagamit ng mga politiko ang substitution bilang isa sa kanilang mga mekanismo para sa kanilang electoral strategies.

Ayon kay Atty. Yusingco, napakaimportanteng pag-usapan ang mga ganitong klase ng issue dahil maaari itong maging basehan upang makita kung seryoso ba ang isang kandidato sa pagsisilbi sa bayan.

Paalala niya sa mga botante na huwag iboto ang sinumang kandidato na ginagamit ang mekanismo ng substitution para lang malinlang ng taong bayan.

Aniya, dapat magising na ang mga botante at huwag pumayag na gamitin ng mga politiko ang Omnibus Election Code sa kanilang personal na interes.