CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng emergency assessment meeting ang pamahalaang panlungsod ng Cauayan kaugnay sa mga naranasang pagbaha sa lungsod dulot ng malakas na pag-ulan sa nagdaang araw.
Inihayag ni Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. na sa mga naranasang pagbaha na personal niyang naranasan sa lansangan sa lunGsod ay kailangan nang masolusyonan ito sa lalong madaling panahon.
Ngayong araw ay makikipagpulong siya sa mga kawani ng City Engineering Office at City Planning Office upang mapag-usapan kung ano ang mga dapat gawin upang maiwasan na ang mga naitatalang pagbaha.
Makikipag-usap din siya sa mga residenteng nakaranas ng pagbaha kung ano ang nakikita nilang rason ng pagbaha sa kanilang lugar.
Tiniyak ni Mayor Jaycee Dy na sa susunod na linggo ay magsasagawa sila ng declogging sa mga drainage canal sa kalunsuran upang mabawasan na ang mga nararanasang pagbaha.
Nanawagan naman siya sa mga punong barangay sa lungsod pangunahin na sa bahagi ng poblasyon na magtulung-tulong upang maisaayos ang mga baradong drainage canal na nagdudulot ng pagbaha.
Hinikayat niya ang mga ito na magsagawa ng simultaneous clean up drive ngayong araw sa mga kanal upang malinis ang daluyan ng tubig.
Ayon kay Mayor Jaycee Dy may ordinansa na ang Cauayan City patungkol sa mga single use plastic na pangunahing dahilan ng pagbabara ng mga drainage canals.