CAUAYAN CITY- Patay ang dalawang indibidwal sa nangyaring banggaan ng isang 10-wheeler truck at SUV kaninang alas kwatro ng madaling araw sa pambansang lansangan na bahagi ng Brgy. Nungnungan 2, Cauayan City, Isabela.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ang SUV ay minamaneho ni Arnel Labadia na residente ng Zone 6, Poblacion Baggao, Cagayan habang ang mga lulan nito ay sina Nicky Miguel Pardo na residente ng Brgy. District 3, Cauayan City, Kenneth Sigura na residente ng Enrile, Cagayan at Manny Alfaro na residente ng Purok 2 Minante 1, Cauayan City.
Ang 10-wheeler truck naman ay minamaneho ni Rodolfo Guado, 58-anyos at pahinante nito na si Reynold Gammad, 40-anyos na kapwa residente ng Brgy. Villa Lun, Cauayan City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, binabaybay ng 10-wheeler truck ang silangang direksyon patungong Echague, Isabela upang mag deliver ng mga kamoteng kahoy habang ang SUV naman ay binabaybay ang kasalungat na direksyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Reynold Gammad,pahinante ng truck sinabi niya na napansin na umano nila na pagiwang-gwang ang SUV at bigla aniya itong umagaw ng linya na nagresulta upang tumama ito sa kanang bahagi ng 10-wheeler.
Aniya, dahil sa lakas ng banggan ay umikot pa ang SUV hanggang sa mahulog ito sa palayan.
Nagawa naman umanong buksan ng driver ang kanyang pintuan kaya nang makarating ang rescue team ay nadatnan na ito na nasa labas ng sasakyan habang naipit ang tatlong iba pa lulan nito sa loob.
Nagawa namang maisugod ng mga rumispondeng Rescue 922 ang mga sakay ng SUV sa pagamutan ngunit idineklarang patay na sina Pardo at Sigura.
Ang driver naman at ang isa pang lulan ng SUV ay nagtamo rin ng injuries at patuloy na nagpapagaling sa pagamutan habang wala namang tinamong anumang sugat ang driver at pahinante ng 10-wheeler truck.