--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga awtoridad ang isang menor de edad matapos nitong  gahasain ang walong taong gulang na batang kapitbahay sa Lantap, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, Chief of Police ng Bagabag Police Station sinabi niya na nadakip ang akusado sa kanilang isinagawang operasyon sa bayan ng Bagabag dahil sa kasong panggagahasa.

Aniya matagal na ang kaso ng akusado at matagal din itong nagtago sa batas.

Wala namang relasyon ang akusado at ang biktima na isang walong taong gulang na babae at magkapitbahay lamang ang mga ito.

--Ads--

Ayon kay PMaj. Abrogena maaring magkalaro ang dalawa at dahil sa magkalapit na ang mga ito at wala ang mga magulang ay dito na isinagawa ng akusado ang panghahalay sa mismong bahay ng biktima.

Nang malaman ng guardian ng biktima ang panggagahasa sa kanya ay agad silang nakipag-ugnayan sa pulisya.

Matapos mahuli ay iginiit ng akusado na wala siyang ginawa at nagkataon lamang na siya ang nasa lugar nang mangyari ang insidente.

Ayon kay PMaj. Abrogena may probable cause ang imbestigasyon at tumutukoy ito sa pagkakakilanlan ng suspek na sinampahan ng kaso ng korte.

Pinaalalahanan naman niya ang mga magulang na bantayan ang mga anak o kung sakali mang aalis ng bahay ay ipagkatiwala sa babaeng kamag-anak upang maiwasan ang ganitong pangyayari.

Iginiit ni PMaj. Abrogena huwag ding ipagkatiwala sa mga ama at mga lalaking kamag-anak dahil marami nang kaso na mismong tatay, kapatid o pinsan ang nagiging suspek sa panggagahasa sa mga menor de edad nilang kamag-anak.