--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang Indian National matapos mahulog ang minamaneho nitong kolong-kolong sa bangin sa kalsada na bahagi ng Purok Pag-asa sa Brgy. San Fernando, Bambang, Nueva Vizcaya.

Ang nasawi ay si Satwant Singh, bente tres anyos, binata, negosyante at residente ng Brgy. Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar, ang Public Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office kanyang sinabi na posibleng nawalan ng kontrol ang biktima sa manibela dahilan kaya’t nagdire-diretso umano ito sa bangin na may lalim na labinglimang metro.

Aniya biyernes pa umano nang umalis sa kanilang bahay ang biktima  para maningil sa mga pinautangan subalit hindi na ito nakauwi pa.

--Ads--

Dagdag pa ni PMaj Villar, hindi na din matawagan ang kanyang cellphone dahilan kaya’t humingi na ng tulong ang pamilyang biktima sa Bambang Police Station.

Bandang alas singko na ng madaling araw noong araw ng sabado nang matagpuan ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa ilalim ng bangin.

Posibleng may kabilisan umano ang patakbo ng biktima na naging dahilan nang aksidente.