CAUAYAN CITY- Nagpapatuloy ang ginagawang clearing operation ng 91st Infantry “Sinagtala” Battalion sa bahagi ng Dipaculao, Aurora matapos maka engkwentro ang nasa humigit kumulang dalampung miyembro ng New Peoples Army.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan una rito, nakatanggap ng impormasyon ang militar mula sa ilang concerned citizen sa ginagawang paniningil ng rebolutionary tax ng ilang miyembro ng makakaliwang grupo.
Nang beripikahin ay sumalubong sa tropa ng pamahalaan ang mga NPA na pawang mga kasapi ng Komiteng Rehiyon Gitnang Luzon na nagresulta sa palitan ng putok.
Dahil sa matinding tensyon at pagtakas ng mga rebelde ay agad na itinaas sa high alert ang PNP Aurora at nagsagawa ng kabi kabilang checkpoints sa mga papasok at palabas ng probinsya.
Nagkaroon na rin ng kanselansyon ng trabaho at pasok sa Dipaculao, Aurora kahapon alinsunod sa inilabas na Executive Order habang sinimulan din ang evacuation ng mga apektadong residente.
Ito na ang pinakamatinding sagupaan ng sundalo at NPA sa naturang bayan sa nakalipas a mga taon.
Samanatala, naglabas ng opisyal na pahayag ang PNP Aurora kaugnay sa nagaganap na sagupan sa Dipaculao.
Sa pahayag ni PMaj. Michelle Paulino ang Hepe ng Dipaculao Police Station ay pinabulaanan niya ang mga kumakalat ng larawan sa social media ng mga nasawing kasapi ng NPA.
Aniya ang naturang mga larawan ay hindi pa beripikado at nagmula sa hindi beripikadong source.
Tiniyak naman niya na tuloy ang operasyon ng PNP kasama ang militar para tugisin ang mga tumakas na rebelde.