CAUAYAN CITY- Plano na ng ilang mga nagbebenta sa pribadong pamilihan na bumili ng fake money detector upang hindi masalisihan ng mga kawatan sa Cauayan City, Isabela.
Pangunahing umano sa mga dapat magkaroon ng money detector ay ang mga grocery stores na kalimitang nasasalisihan sa pekeng pera.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Albert Dula, may-ari ng isang grocery store sa loob ng pribadong pamilihan sinabi nito na kaya naman nilang kumilatis ng pekeng pera ngunit magiging malaking tulong ang fake money detector para mapabilis ang pagkilatis lalo na tuwing marami ang namimili.
Aniya, marami na ring mga nagbabayad ng e-wallet na nakikita nilang magandang paraan para hindi mabiktima ng kawatan.
Bukod sa pagbabayad ng pekeng pera ay talamak din aniya ang iba’t-ibang modus na nakawan kaya doble ang kanilang pag-iingat.
Pinaaalalahanan naman niya ang mga kapwa niya tindero na ugaliing suriin ang perang ibinabayad sa kanila ngayong wala pa silang fake money detector at bantayan ng maigi ang kanilang pwesto dahil kadalasang umaatake ang mga kawatan tuwing marami ang mamimili.