CAUAYAN CITY – Hindi makapaniwala ang Rank 6 sa katatapos na Licensure Examination for Teachers (LET) matapos siyang mapabilang sa listahan ng mga topnotchers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Charlyne Mae Yanos Gabriel, tubong San Mateo, Isabela at Rank 6 sa katatapos na LET, sinabi niya na hindi niya inasahan at hinangad na mapabilang sa top 10 dahil ang tanging hangad lamang niya ay makapasa sa pagsusulit.
Nalaman niya na isa siya sa mga topnotchers nang batiin ng kaniyang kaibigan at nagpadala ito ng screenshot ng listahan ng mga nasa top 10.
Hindi siya agad naniwala dahil akala niya ay edited lamang ang ipinadala sa kaniyang resulta ngunit nang makumpirma niya ito ay napaluha na lamang siya sa tuwa.
Hindi anya siya nakaramdam ng kaba noong exam dahil sa kaniyang kahandaan at hindi niya hinayaan ang sarili na makaramdam ng anumang pressure.
Aniya, kumuha siya ng kursong Education dahil gusto niyang maturuan ng mabuti ang kaniyang anak at ituring siya bilang best teacher.
Iniaalay naman niya ang kaniyang tagumpay sa kaniyang pamilya na walang sawang sumuporta sa kaniya.
Nagpapasalamat din siya panginoon maging sa Philippine Normal University – North Luzon Campus kung saan siya nagtapos dahil simula first year college ay inihahanda na sila sa pagsabak sa board exam.
Sa ngayon ay nakatira na sa Estados Unidos si Gabriel at plano niyang magturo sa nasabing bansa sa hinaharap.