CAAUAYAN CITY- Nananatiling isolated ang Barangay Dimalwade, Dinapigue, Isabela matapos umapaw ang tubig sa ilog dulot ng mga naranasang malalakas na pag-ulan dahil sa Bagyong Aghon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Vicente Mendoza ng Dinapigue, Isabela sinabi niya na maayos naman ang kalagayan ng nasa humigit kumulang tatlumpong pamilya na naisolate dahil sa pag-apaw ng ilog.
Ayon sa alkade, hindi makaalis ang mga residente sa lugar upang bumili ng kanilang mga pangangailangan sa bayan sapagkat mataas parin ang lebel ng tubig matapos ang ilang araw na mga pag-ulan.
Bago pa man ang pananalasa ng bagyong Aghon ay nakapagsagawa na ang Municipal Disaster Risk Reduction Management ng emergency meeting upang mapagplanuhan ang mga hakbang na isasagawa ng lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng bagyo.
Nagbaba na din ng kautusan ang lokal na pamahalaan sa mga barangay lalo na sa malapit sa ilog na maging alerto sa posibilidad ng pagbaha at magsagawa ng preemptive evacuation kung kinakailangan.
Bukod sa Barangay Dimalwade ay mayroon din umanong mga barangay na hindi pa maabot ngayon ng mga sasakyan dahil sa ilang mga naitalang landslide.
Ngayong araw, muli umanong nag-abiso ang LGU-Dinapigue sa mga mangingisda na iangat ang kanilang mga bangka dahil sa bahagyang paglaki ng mga alon sa dagat.
Paalala naman ni Mayor Mendoza sa mga residente na iwasan na magpumilit na tumawid sa mga umapaw na ilog dahil lubha pa itong mapanganib.
Nagsagawa naman ng prepositioning ng mga food and non-food items ang pamalaang panlalawigan para sa mga apekdatong mga residente sa Isabela dahil sa Bagyong Aghon.