CAUAYAN CITY- Sa halip na makapinsala ay nakatulong at pumabor pa sa mga magsasaka sa bayan ng Palanan ang mga dalang pag-ulan ng Bagyong Aghon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Local Disaster Risk Reduction Management Officer John Bert Neri sinabi niya na naging bahagyang maulap hanggang sa maaliwalas na ang papawirin habang nanatiling mataas ang alon ng karagatan sa bayan ng Palanan.
Aniya naging malaking tulong para sa mga magsasaka ang naranasang pag-ulan sa kanilang bayan sa nakalipas na mga araw dulot ng bagyo.
Dahil sa pag-ulan ay bahagyang nakarecover ang mga pananim ng mga magsasaka na mais at munggo.
Samanatala, bagamat hindi pa naitataas ang gail warning ay sinimulan nila ang monitoring sa mga coastal barangay kasama ang Philippine Coast Guard.
Tuloy tuloy ang kanilang abiso sa bawat barangay na huwag maging kampante dahil hanggat hindi pa nakakalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo ay ipinagbabawal ang pumalaot.