CAUAYAN CITY- Tatlumpu’t tatlong beses na bumagsak sa Licensure Examination for Teachers ang isang guro sa Isabela bago ito makapasa sa board exam.
Ang naturang guro ay si Jorge Alejo, 47-anyos at mula sa Barangay Napaccu Pequeno, Reina Mercedes, Isabela na nagtapos ng Bachelor of Science in Elementary Education.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jorge Alejo, sinabi niya na taong 1999 ay unang siyang kumuha ng pagsusulit ngunit ngayong 2024 lamang siya pinalad na makapasa.
Aniya, dahil ilang beses na siyang hindi nakakapasa sa board exam ng Elementary Education ay minabuti niyang kumuha ng units ng Secondary Education noong 2005.
Bagama’t lagi siyang bumabagsak ay hindi siya nagpatinag sa mga pagsubok na kaniyang naranasan at lagi niyang sinasabi sa kaniyang sarili na habang may buhay ay may pag-asa.
Pagsapit ng March 2024 ay hinikayat siya ng kaniyang mga co-teachers na muling mag-take ng exam at ang kaniyang kapatid pa mismo ang nag-register para sa kanyang pagsusulit.
Nang dahil dito ay nakiusap siya sa Panginoon na ipasa siya sa pagsusulit sapagkat aniya kapag hindi pa siya nakapasa sa board exam ngayong taon ay mawawala na siya sa teaching profession.
Nang lumabas ang resulta ay hindi na umano siya nag-abala na tignan ito dahil ayaw na niyang masaktan muli ngunit nagulat na lamang siya ng batiin siya ng kaniyang mga co-teachers.
Sobrang gaan aniya ng kaniyang pakiramdam nang malaman niya na isa na siyang board passer at lahat ay nagbunyi sa kaniyang tagumpay.
Isa naman aniya sa dahilan kung bakit lagi siyang bumabagsak sa board exam ay dahil kulang siya sa preparasyon dahil wala siyang kakayahan na mag-review center dahil siya ang nagpapa-aral sa kaniyang mga kapatid.
Dahil nasa puso niya talaga ang pagtuturo ay nag-volunteer teacher siya sa Reina Mercedes National Highschool nang walang sahod at kalaunan ay binigyan ng 5-year provisionary period ngunit tinanggal din siya bilang teaching staff pagkalipas ng limang taon dahil sa kawalan ng lisensya.
Sa ngayon ay nagtatrabaho siya bilang isa sa mga non-teaching personnel Reina Mercedes National High School- Senior High School Department at target niyang maging regular sa Department of Education.