CAUAYAN CITY – Walang kasiguruhan na bababa ang presyo ng bigas kung ibababa ang taripa sa imported rice.
Ito ang pahayag ng Federation of Free Farmers kaugnay sa pahayag ng Kagawaran ng Pagsasaka na bababa ng apat hanggang limang piso ang kada kilo ng bigas kung ibaba sa 17 percent ang taripa sa imported rice.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmers Chairman of the Board Leonardo Montemayor, ihinalimbawa nito ang pagbaba ng taripa sa imported agricultural products gaya ng karne ng baboy, at mais na hindi naman anya nakapagpababa sa presyo sa merkado.
May mga pagkakataon din anya na kapag ibinababa ang taripa ay tinataas naman ng mga bansang pinag-aangkatan ng bigas ang kanilang presyo kayat wala rin itong epekto sa merkado.
Lugi rin aniya ang pamahalaan sa panukalang pagpapababa ng taripa at posibleng makaapekto rin ito sa presyo ng ani ng mga magsasaka.
Sa halip anya na importasyon ay maiging pagtuonan ng pansin ng pamahalaan kung papaano mapapataas ang production sa Pilipinas upang hindi gaanong umasa ang bansa sa importation.