--Ads--

CAUAYAN CITY- Nakahanda na ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council o PDRRMC- Isabela para sa tag-ulan na opisyal nang idineklara ng PAGASA.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante “Watu” Foronda, PDRRM Officer ng Isabela kanyang sinabi na isa sa kanilang tinututukan ay ang kakahayaan ng mga rescue team sa lahat ng bayan sa Isabela.

Aniya noong Abril pa lamang ay pinulong na nila ang mga concerned agencies sa Isabela upang pag-usapan ang mga dapat gagawin sa panahon ng La Niña.

Isa umano sa kanilang tinututukan ay ang pagpuputol sa mga sanga ng puno na malapit sa mga kawad ng kuryente upang hindi ito maging dahilan nang brownout.

--Ads--

Binibigyang pansin din sa ngayon ang paglilinis sa mga daluyan nang tubig na isa sa pangunahing dahilan nang pagbabaha.

Tiniyak naman ni Atty. Foronda na sa loob lamang ng isang oras ay maihahanda nila ang kanilang mga gamit pang-rescue at maging ang kanilang mga tauhan kung sakaling kakailanganin.

Hindi na din umano bago sa kanila ang La Niña dahil matagal na umano itong nararanasan sa lalawigan ng Isabela.