CAUAYAN CITY – Sinunog ng isang lalaki ang sariling bahay sa Sito Kappit, Brgy. Alloy, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ang suspek ay si Arnel, 26 anyos, binata, walang trabaho at residente ng nabanggit na barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Joey Flores, Deputy Chief of Police ng Kasibu Municipal Police Station, napag-alaman na bago ang pangyayari ay nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang kanyang ina.
Pagkatapos nito ay umalis ang kanyang ina kasama ang iba pa nilang kasamahan sa bahay at naiwang mag-isa ang suspek.
Dito na umano ginawa ng pinaghihinalaan ang panununog at sinimulan niyang sinindihan ang mga damit at kumot.
Dahil gawa sa light materials ang bahay kaya’t kaagad na lumaki ang apoy.
Kaagad namang tumugon ang mga kasapi ng BFP Kasibu at inabot ng halos isang oras bago tuluyang naapula ang apoy.
Humigit kumulang P100,000 ang halaga ng natupok ng apoy.
Pansamantala namang nakikituloy ang pamilya sa bahay ng kanilang kamag-anak habang nasa kustodiya na ng Kasibu Police Station ang pinaghihinalaan.
Inaasahan namang dadalhin ang pinaghihinalaan sa Baguio City upang ipagamot.
Ayon kay PCapt Flores, noon labimpitong taong gulang palang si Arnel nang magkaroon ng sakit sa pag-iisip at pinapainom siya ng gamot subalit ayaw ng pinaghihinalaan.
Nagkaroon pa anya ng pagkakataon na kinailangang tumawag ng tulong sa mga pulis para lamang siya mapainom ng gamot.