--Ads--

CAUAYAN CITY – Magkasunod na nakasagupa ng kasundaluhan ng 103rd Infantry Battalion at 98th Infantry Battalion sa ilalim ng 503rd Infantry Brigade ang mga komunistang teroristang NPA sa bahagi ng Balbalan, Kalinga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Rigor Pamittan, Chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army kanyang sinabi na naganap ang unang sagupaan bandang alas diyes trenta ng umaga  sa pagitan  ng 103rd Infantry Battalion at nasa tinatayang sampung miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla (KLG) Baggas sa bahagi ng Barangay Balbalan Proper, Balbalan, Kalinga.

Narekober ng kasundaluhan ang isang M14 Rifle, isang Springfield Rifle, iba’t ibang klase ng mga bala, dalawang improvised explosive devices (IED), mga kagamitan sa pampasabog at mga personal na gamit ng mga rebelde.

Bandang ala-una naman ng hapon ay nakasagupa ng 98th Infantry Battalion ang papatakas na armadong grupo sa bahagi ng Barangay Balantoy, Balbalan, Kalinga na ikinasugat ng dalawang sundalo at pagkarekober ng  isang M16 rifle, dalawang bagpack, isang IED, blasting caps, samu’t saring mga gamot, mga subersibong dokumento, at mga iba pang personal na kagamitan ng mga NPA.

--Ads--

Ang mga nasugatan ay sina Corporal Jonard L. Addatu at Private First Class Rojemar A. Cuyen na agad dinala sa pagamutan at nasa maayos na na kalagayan.

Ayon kay Major Pamittan, bago ang sagupaan ay namonitor nila ang paggalaw ng grupo sa mga boundary ng Apayao, Kalinga at Abra dahilan kaya’t nagsagawa sila ng operasyon na nagresulta sa palitan ng putok.

Naabutan umano ng mga sundalo ang mga makakaliwang grupo na nagpapahinga sa kanilang temporary hideout nang mangyari ang insidente.

Dahil sa pagmamadaling makatakas ay naiwan ng mga rebelde ang kanilang mga gamit.