CAUAYAN CITY- Inirereklamo ng mga residente ang tambak na basura sa Material Recovery Facility o MRF dahil sa masangsang na amoy na dulot nito sa Brgy. Sillawit, Cauayan City, Isabela
Ang naturang MRF ay nasa gilid ng pambansang lansangan at dahil sa hindi maaayos ang pagkakalagay ng mga basursa ay ikinakalat din ito ng mga galang aso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Michael Evangelista, Punong Barangay ng Brgy. Sillawit aminado naman siya na ang problema sa basura ang pangunahing suliranin sa kanilang barangay.
Aniya, sa loob ng isang linggo ay tatlong beses nilang inaayos ang MRF ngunit pati naman umano ang mga karatig nilang barangay ay nagtatapon din sa mga MRF sa loob ng kanilang nasasalupan.
Giit nito na ang naturang MRF ay pagmamay-ari ng Brgy. Sillawit at para lamang sana ito sa kanilang mga residente.
Plano naman niyang ilapit ito sa City Environment and Natural Resources Office o CENRO Cauayan para i-obliga ang mga barangay na magkaroon ng sarili o karagdagang MRF sa kanilang lugar upang hindi na nila kinakailangan pang magtungo sa kanilang barangay para lang magtapon ng basura.
Isa din aniya sa mga nakikita nilang dahilan kung bakit ikinakalat ng mga galang aso ang mga basura ay dahil umano sa mga fried chicken vendor na nagtatapon ng kanilang mga pinaglutuang mantika sa MRF.
Binalaan naman niya ang mga ito na huwag na ulitin at kapag gagawin pa ulit ay ipapatawag na sila sa barangay.
Nakiusap naman siya sa mga magtatapon ng basura sa kanilang MRF na ayusin ang pagtapon at itapon ito sa tamang lalagyan.
Hiling niya na sana ay magkaroon ng disiplina ang mga residente upang matuldukan na ang problema ng basura.