--Ads--

CAUAYAN CITY – Papatawan ng karampatang parusa ang mga nahuling indibidwal na nagbenta at bumili ng libreng binhi mula sa Kagawaran ng pagsasaka o DA.

Matatandaan na nagkaroon ng surprise raid ang DA-Cauayan sa tatlong Barangay sa Lungsod ng Cauayan kung saan nasamsam mula sa Warehouse sa Brgy. Faustino ang nasa 67 bags ng binhi na ipinamahagi ng libre ng DA.

Napag-alaman na ang mga nasamsam na binhi ay mula pa sa bayan ng Alicia at sa mga karatig na bayan ng Cauayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rose Mary Aquino, Regional Director ng DA Region 2, kaniyang sinabi na ang mga nahuli ay blacklisted ng isang taon sa pagtanggap ng mga benepisyo mula sa kagawaran.

--Ads--

Isa sa mga nakikita nilang dahilan kung bakit ibinibenta ng ilang mga magsasaka ang mga binhi na ipinapamahagi sa kanila ay para sa karagdagang kita o dili kaya ay hindi nila gusto ang variety ng binhi.

Mayroon namang ilan na nakapagtanim na bago pa magbigay ng binhi ang DA.

Ngunit ayon kay Dr. Aquino, maaari nilang huwag munang I-withdraw ang mga binhi kung sila ay nakapagtanim na at pwede nila itong kunin sa susunod na cropping.

Binalaan naman niya ang mga magsasaka na huwag bumili ng mga binhi mula sa DA dahil walang katiyakan kung ang mga ito ay bago o stock lamang na maaaring maka-apekto sa kalidad ng ani ng mga magsasaka.