--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa umano’y nangyaring pambubugbog ng tatlong pulis sa kanilang kasamahan na nakabase sa 205th Maneuver Company sa Brgy. Macalauat, Angadanan, Isabela.

Kinailangang dalhin sa pagamutan si Patrolman Jeremy Matthew Padilla matapos siyang magtamo ng mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan noong ika-dalawamput apat ng Mayo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Mallillin ang Information Officer ng Police Regional Office 2 kanyang sinabi na sa ngayon ay pansamantalang inilipat ng puwesto ang tatlong sangkot na pulis habang nasa maayos nang kalagayan si Pat. Padilla.

Aniya sinisiyasat na ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang pangyayari at kung mapatunayang totoo ang bintang sa tatlong sangkot na pulis ay mapapatawan sila nang patung-patong na kaso.

--Ads--

Itinanggi naman ni PMaj. Mallillin na tradisyon na ang pambubugbog o hazing sa mga baguhang pulis dahil hindi umano ito nangyayari.

Samantala mariin ding itinanggi ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 2 na mayroong hazing na nangyari.

Ayon naman umano sa biktima sinuntok umano siya ng tatlong pulis sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at hinampas din siya ng kahoy o padel.

Binalot din umano ng isa sa mga pulis ang katawan ni Padilla gamit ang kapote at tinakpan ang kanyang mukha ng basang damit.

Ang pangyayari ay mariing kinondena ni PBGen. Christopher Birung ang Regional Director ng PRO 2.