--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang anim na katao matapos matumba ang isang trailer truck na kargado ng mga construction materials at madaganan ang stall sa national highway na bahagi ng Brgy. Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.

Sugatan ang driver ng Isuzu Tractorhead na si Tommy Yanuaria, trenta’y tres anyos, binata at residente ng Brgy. San Andres, Cabatuan, Isabela.

Sugatan din ang kanyang kasama na si Russel, disi sais anyos at kapwa residente ng Brgy. San Andres, Cabatuan, Isabela.

Nagtamo din ng sugat ang mga residente na nasa kani-kanilang mga stall na sina Rosela Matidio, singkuwenta anyos, Catherine Castro, kuwarenta anyos, Beth, disisiyete anyos, at King, sampung taong gulang, na pawang mga residente ng Brgy. Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar ang Public Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office kanyang sinabi na patungo sa hilagang direksyon ang trailer truck at nang makarating sa palikong bahagi ng kalsada ang sasakyan ay bigla na lamang umano itong tumagilid at natumba.

Pagkatumba ay nahulog ang mga construction materials sa dalawang stall na nasa gilid ng kalsada na naging dahilan ng pagkasugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga nasa stall at maging ang dalawang sakay ng trailer truck.

Kaagad naman silang isinugod sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer at sa ngayon ay nasa maayos na silang kalagayan.

Ayon kay PMaj. Villar malakas ang ulan nang mangyari ang insidente kaya’t posibleng nadulas ang gulong ng trailer truck.

Hindi naman naging sagabal sa daloy nang trapiko ang pangyayari dahil sa outer lane naman umano napunta ang truck.