CAUAYAN CITY – Inihayag ng Rice Miller’s Association Region 2 na matumal na ang bentahan ng bigas sa rehiyon dahil sa maraming imported na bigas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernesto Subia, Presidente ng Rice Miller’s Association Region 2 sinabi niya hindi dapat mag-import ang pamahalaan ng maraming volume ng bigas lalo na kung hindi naman nagkukulang ang produksyon ng bansa.
Aniya hindi lamang mga magsasaka ang apektado sa ganitong sistema kundi maging mga rice traders.
Pwede rin naman aniyang mag-import ang pamahalaan ng bigas ng walang taripa at ito ay ibabagsak sa mga kadiwa ng pangulo para dito ibenta sa mas murang halaga na malaki pa ang maitutulong sa mga mahihirap na pilipino.
Bago mag-import ay magkaroon man lang muna sana ng imbentaryo kung tunay na nagkukulang na ng suplay.
Aniya kung naaprubahan na ng mga mambabatas ang pagbaba ng taripa ay inaasahan nilang bumaba rin ang imported rice ng aabot sa 200 pesos kada isang sako.
Kapag bumaba ngayon ang presyo ng bigas ay maapektuhan ng pagkalugi ang mga rice mill at traders na nag-imbak ng bigas sa nakaraang cropping season.
Iginiit niya na mga pribadong traders na lamang ang hayaang bumili ng mga produksyon ng mga magsasaka at huwag nang bumili ang pamahalaan at magpokus na lamang sa importasyon kapag nagkukulang ng suplay.
Aniya kapag mga pribadong traders ang bibili ng bigas na ani ng mga magsasaka ay magkakaroon pa ng kompetisyon dahil magpapataasan sila ng presyo para makabili na pabor naman sa mga magsasaka.
Ibahin na rin aniya sana ng pamahalaan ang pamamahagi ng financial assistance at gawing pagkain na lamang ang ibigay dahil nagiging tamad na ang iba na umaasa na lamang sa ibinibigay na pera ng pamahalaan.