CAUAYAN CITY – Inihayag ng pamunuan ng 503rd Infantry Brigade Philippine Army na walang nasugatang sundalo ng 54th Infantry Battalion sa naganap na sagupaan ng Militar at Kilusang Guerilla Baggas (KLG) sa Balbalan Proper, Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Melchor Keyog, Civil Military Operations Officer ng 503rd Infantry Brigade Philippine Army patuloy na sinusundan ng mga sundalo ang dinaanan ng mga tumakas na rebelde.
Muling nagkaroon ng sagupaan ang mga militar at rebelde matapos ang ilang oras sa Barangay Maling at tumakas ang mga rebelde sa direksyong Southeast.
Ayon kay Capt. Keyog, ito na ang natitirang myembro ng KLG Baggas kaya matinding pag-iingat ang kanilang ginagawa upang mapreserve ang grupo.
Wala namang nakitang gamit ng mga rebelde sa pinangyarihan ng engkwentro dahil una nang natagpuan ng mga sundalo ang kanilang gamit sa unang engkwentro noong ikatatlumput isa ng Mayo.
Batay sa kanilang pagtaya mga personal na gamit na lamang ng mga rebelde ang kanilang dala-dala ngayon.
Muli naman siyang nanawagan sa mga rebelde na magbalik loob na sa pamahalaan at huwag sayangin ang kanilang buhay sa walang saysay nilang pakikibaka sa pamahalaan.