CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang motorcycle rider matapos na sumalpok sa kasalubong na close van sa kahabaan ng Purok Linglingay, Darapidap, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ang nasawi ay si Daniel Jay Migano, 24 anyos na residente ng Banganan, Aritao, Nueva Vizcaya habang ang driver naman ng close van ay si Jeffrey Angel, 39 anyos na residente ng Buenlag, Gerona, Tarlac.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office, lumalabas sa pagsisiyasat ng Aritao Police Station na binabagtas ng motorsiklo ang pambansang lansangan patungong Barangay Banganan habang patungo naman sa Aparri, Cagayan ang close van.
Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nag-overtake umano sa isa pang sasakyan ang motorsiklo subalit nakasalubong at nakabanggaan nito ang kasalubong na close van.
Agad na dinala sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital ang tsuper ng motorsiklo subalit idineklara nang dead on arrival.