--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi hadlang ang edad sa nagnanais na makapag-aral.

Ito ang madalas na maririnig na kasabihan sa mga taong may determinasyong mag-aral sa kabila ng kanilang edad o estado sa buhay.

Ito ang naging sandigan ng isang Ginang na bumalik muli sa pag-aaral.

Tangan ang pangarap na maging guro ay muling bumalik sa pag-aaral at nakapagtapos ng Senior High School ang isang 43-anyos na Ginang na tubong Iloilo sa San Jose Integrated School sa San Mariano Isabela.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Merian Estorninos mula sa San Jose San Mariano Isabela sinabi niya na isa sa mga nag udyok sa kaniya para ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa senior high school ang madalas na maghapong pagbabantay sa kaniyang anak sa paaralan.

Aniya sa kabila ng kaniyang edad ay hindi siya nagpaapekto sa sinasabi ng iba sa kaniyang pag-aaral dahil sa nais niyang matupad ang kaniyang pangarap na maging isang guro.

Wala naman aniya siyang naging problema sa pag-aaral noong siya ay bata pa at lagi rin siyang kasali sa mga honor student subalit pagtungtong ng high school ay unti unti siyang nawalan ng gana sa pag-aaral.

Sa kabila ng panghihikayat ng kaniyang mga magulang ay mas pinili niyang tumigil sa pag-aaral at magtrabaho na lamang dito sa Lungsod ng Cauayan hanggang siya ay nakapag-asawa na.

Nang malaman niyang nagbukas ang alternative Learning System ay sinubukan niyang mag-exam kung saan siya ay nakapasa.

Dito na siya nagpasya na ipagpatuloy ang pag-aaral sa sekondarya hanggang sa nagtapos siyang with High Honors sa Senior Highschool sa ilalim ng General Academics Strand o GAS.

Dahil sa tapos na siya sa High School ay plano naman niyang magpatuloy sa kolehiyo at kumuha ng kursong Education.

Isang patunay ang kwento ni Ginang Estorninos na hindi hadlang ang edad, kasarian, at katayuan sa buhay para makatapos ka ng pag-aaral.

Magsilbi sana itong ehemplo sa iba na hindi pa huli ang lahat para maipagpatuloy ang pag-aaral. Kahit na may-asawa at anak na, puwede pa ring matapos ang pag-aaral at makamit ang mga pangarap.