CAUAYAN CITY- Bumagsak na sa sampu hanggang kuwarenta pesos kada kilo ang halaga ng bangus sa Anda, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bangus Focal Person Wilfredo Cruz ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 3 kanyang sinabi na epekto ng fish kill sa bangus ang pagbagsak ng presyo nito.
Aniya dahil sa takot na mapunta sa wala ang kanilang mga bangus ay minabuti ng mga mangingisda na anihin na ang mga bangus kahit maliliit pa ang mga ito.
Dahil dito ay nagkaroon ng maraming supply ng bangus sa lugar na naging dahilan ng pagbaba ng presyo.
Posible umanong dahil sa pagbabago sa oxygen level sa tubig kaya’t nagkaroon ng fish kill sa lugar.
Tinatayang aabot sa apat na raang mangingisda naman ang apektado sa pangyayari at sa ngayon ay inihahanda na ng BFAR Region 3 ang tulong na ibibigay sa kanila.
Samanatala wala naman umanong naging epekto ang pangyayari sa presyo ng bangus sa mga karatig lalawigan.