CAUAYAN CITY – Isang artist mula sa Cauayan City ang ipinagdiwang ang Independence Day sa pamamagitan ng paggawa ng kakaibang obra.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chung Nhung Thian, Bamboo Artist, sinabi niya na bilang paggunita sa Independence Day ay kanyang ginawa ang isang obra gamit ang buho o bamboo sculpture.
Ang obra ay pinamagatang “The Mystery of Bamboo Flag” na naglalarawan sa kwento ng Pilipinas sa paglaya nito sa mga mananakop na bansa.
Gawa ito sa buho o bamboo na sumisimbolo ng katatagan at kakayahang umangkop ng kulturang pilipino sa mga hamong kinakaharap nito.
Aniya ang artwork ay nahahati sa ilang bahagi na nagpapakita ng mga nangyari sa pag-abot ng bansa sa kalayaan na nagdulot ng pagkasawi ng maraming katao.
Ang mga kamay sa obra ay sumisimbolo sa pagbubuklod at bayanihan ng mga Pilipino para sa kalayaan ng bansa.
Ang sumbrero naman ay kanyang tribute sa mga magsasaka ng bansa habang ang bolo o itak sumisimbolo sa katapangan ng mga Pilipino upang ipagtanggol ang bayan.
Aniya ginawa niya ang obrang ito bilang pag-alala sa mga sakripisyo ng ating mga ninuno at mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng Pilipinas.