CAUAYAN CITY – Nakuhanan ng CCTV Camera ang pagnanakaw ng isang lalaki sa nakaparadang truck sa Brgy. District 1, Cauayan City.
Nagkaroon ng pagkakataon ang kawatan na pagnakawan ang nakaparadang truck dahil sa dami ng mga nakaparadang sasakyan sa lugar
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Angelo Ramos, delivery boy, ito ang unang pagkakataon na manakawan siya ng gamit sa loob ng sasakyan.
Aniya inilapag niya ang kanyang cellphone sa upuan ng sasakyan na nakalimutan niyang isarado ang bintana.
Umabot lamang sa labing limang minuto ang kanilang pagdiskarga ng kanilang idineliver na produkto at pagbalik nila sa sasakyan ay wala na ang kanyang cellphone.
Nakipag-ugnayan naman sila sa mga establisimento na may cctv camera sa lugar at nakita ang pinaghihinalaan na mabilis na dinampot ang cellpohone sa loob ng truck at agad na umalis sa lugar.
Hindi naman makilala ang suspek dahil tinakpan nito ang kanyang mukha kaya pinaalalahanan na lamang niya ang mga kapwa niyang nagdedeliver na huwag iwang nakabukas ang bintana ng sasakyan at huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit upang hidi mabiktima ng mga kawatan.
SAMANTALA aminado ang Isabela Anti-Crime Task Force na dumarami na naman ang mga naitatalang kaso ng nakawan sa lungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IACTF Chairman Ysmael Atienza, sinabi niya na maraming katao na naman ang nakakaranas ng krisis at napipilitang magnakaw kaya pinapaigting na nila ang kanilang monitoring at pagbabantay upang maiwasan na ang ganitong mga kaso.