CAUAYAN CITY- Nasa kabuuang labin-isang mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang naapektuhan sa malaking sunog na tumupok sa isang residential buiding sa Kuwait nitong Miyerkules, Hunyo 12, 2024.
Sa inilabas na impormasyon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) tatlong OFW sa Kuwait ang isinugod sa pagamutan na kung saan dalawa sa mga ito ang nasa kritikal na kondisyon.
Ayon pa sa OWWA, bukod sa tatlong nasa ospital, ligtas na ang tatlo pang OFWs. Samantala, inaalam pa ang status ng lima pang pinoy.
Tiniyak naman ni OWWA Administrator Arnell Ignacio na nakatutok ang mga kawani ng OWWA sa Kuwait sa kalagayan ng tatlong Pilipinong nasa ospital upang agad na maibigay ang kinakailangang tulong ng mga biktima.
Nakausap na rin ng OWWA ang kaanak ng tatlong Pinoy sa bansa upang tiyakin na maibibigay ang kanilang mga pangangailangan.
Magugunitang nasa 49 katao ang nasawi sa pagkasunog ng gusali sa Kuwait kung saan pawang mga biktima ay mga dayuhang mangagawa.
Tinatayang mga 2,000 katao ang nakatira sa nasabing gusali.