CAUAYAN CITY – Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection o BFP upang matukoy ang posibleng pinagsimulan ng sunog sa likurang bahagi ng old public market ng City of Ilagan.
Kahapon ay nasunog ang bahagi ng old public market sa lungsod ng Ilagan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa BFP City of Ilagan umabot sa first alarm ang naturang sunog at kaagad ding naapula.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ricky Laggui, General Services Officer ng City of Ilagan LGU, sinabi niya na nasa tatlong stall o tindahan ng mga damit ang nadamay sa sunog.
Sa ngayon ay inaalam pa ng BFP kung ano ang naging sanhi ng sunog bagamat hindi naman gaanong nasira ang bahagi nito dahil mabilis na nakaresponde ang mga otoridad at nagtulung-tulong din ang mga vendors na iligtas ang mga paninda at gamit sa nasusunog na gusali.
Aniya personal ding nagtungo si Mayor Josemarie Diaz upang pangunahan ang pagresponde at tiniyak ang kaukulang kompensasyon at tulong sa mga apektadong may-ari ng stalls.
Tuloy naman aniya ang operasyon ng mga vendors na hindi nadamay sa sunog pangunahin sa harapang bahagi ng palengke.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na laging suriin ang mga wirings sa loob ng bahay at establisimento lalo na ngayong mainit ang panahon upang maiwasan ang sunog.