CAUAYAN CITY – Hindi makakapag-exam ang ilang mga nahuling nag-file sa Civil Service Exam sa Isabela matapos na sumobra ang bilang nang nag-file sa itinakdang quota.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dir. Valnizan Calubaquib ng Civil Service Commission o CSC Isabela Field Office sinabi niya na kahapon ang huling araw ng filing para sa Civil Service Examination na gaganapin sa August 11, 2024.
Aniya naabot naman ang kanilang quota na 6,125 examinees at may sumobra sa bilang na inaasahang hindi makakapagtake ng exam dahil umabot sa mahigit 6,200 ang nagfile.
Maingat na sila ngayon sa bilang dahil sa maaring aberyang mangyari tulad ng kawalan ng sapat na rooms na pagdadausan ng pagsusulit.
Aniya limitado lamang ang room assignments sa Cauayan City kaya may quota silang itinakda na maaring makapag-exam.
Hindi lamang bilang ang dapat nilang isaalang-alang dahil may mga Persons with Disabilities at SPED learners pang mag-eexam at magkakaiba ang needs ng mga ito.
Humingi naman siya ng paumanhin sa mga nahuling nag-file at sumobra sa quota dahil hindi sila mapapabilang sa makakapag-exam sa Agosto.
Dahil may naitatala na namang kaso ng Covid 19 sa Region 2 ay hinikayat niya ang mga takers na magsuot ng facemask at magbaon ng alcohol upang may proteksyon sa sakit.
Hindi naman aniya ito compulsary at paghikayat lamang sa mga kukuha ng pagsusulit upang maiwasan na ang pagtaas ng kaso ng nasabing sakit.











