CAUAYAN CITY – Humingi ng paumanhin ang Punong Barangay ng Labinab sa abalang dulot ng nakatambak na buhangin sa harap ng kanilang Barangay Hall.
Ito ay matapos idulog ng mga concern citizen sa Bombo Radyo Cauayan ang tambak na buhangin sa harap ng Brgy. Hall dahil kalahating bahagi ng daan ang sinakop nito na nagdudulot ng matinding abala sa mga motorista.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Juanito Estrada Jr., sinabi niya na ang buhangin ay gagamitin sa pagpapatayo ng kanilang multi-purpose building.
Unang araw ng Hunyo nang maideliver ang lahat ng kagamitan sa pagpapatayo ng gusali at nagkataon naman na mayroon silang importanteng lakad kaya hindi niya nasabihan ang mga nag-deliver na sa loob ng community center ilagay ang buhangin.
Aniya, plano nilang ilipat ang buhangin sa loob ng community center sa lalong madaling panahon upang hindi na rin ito maging sanhi ng aksidente sa lugar.
Kaugnay nito, ipinapaabot niya ang kanyang paghingi ng paumanhin sa mga nagtutungo sa West Tabacal.
Konting pasensya lamang aniya ang kanilang hinihingi para sa ikagaganda ng komunidad.











