CAUAYAN CITY – Puspusan na ang paghahanda ng wheelchair racer at three time Paralympian na si Jerrold Mangliwan para sa nalalapit na Paris Paralympic Games 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mangliwan, Paralympian mula sa lalawigan ng Kalinga, sinabi niya na kasalukuyan na ang kanyang training upang mapalakas ang kanyang katawan at kinokondisyon sa gabay na rin ng kanyang coach.
Muli siyang magtatangka sa 400m wheelchair racing sa Paralympic Games na pangunahin niyang event bagamat sa ASEAN Para Games ay sumasali na rin siya sa 100m, 200m at 400m T52 races kung saan nakapag-uwi siya ng ilang gintong medalya.
Una nang nakapasok sa Paralympics si Mangliwan noong 2016 at 2020 edition kung saan ngayong 2024 ay pinalad muli siyang lalaban para sa Pilipinas sa Paralympic Games.
Hangad niya ngayon ang podium finish sa Paralympics dahil wala pa anyang nakukuhang medalya ang Pilipinas sa Men’s Paralympics.
Bagamat aminado siyang malalakas ang kanyang makakalaban sa Quadrennial Event ay kumpiyansa pa rin siyang kaya niyang makipagsabayan sa iba pang mga wheelchair racers.
Samantala, maliban kay Mangliwan ay pasok din sa Paralympic Games ang Archer mula sa Kalinga na si Agustina Bantiloc habang pasok naman sa Olympic Games ang boxer mula Kalinga na si Hergie Bacyadan.